Chapter 18

Sparing Creep 2126 words 2023-07-07 18:33:14

"Laganap na nga po sa isang bayan ng Davao ang pagbubuwis buhay ng isang matandang babae, sa aming nasagap na balita ay napag-alaman naming nagawa niya lamang iyon dahil sa isang grupo ng estudyanteng buong tapang na nagsaliksik sa bayang iyon," ang sabi ng reporter mula sa telebisyon sa isang karinderia mula sa kanilang bayan. Kakasibol pa lamang ng araw nang mapanuod nila ang balita. At ang impormasyong iyon ay nagbigay linaw sa kanila gayong muling pumasok sa isipan ni Kitch ang mga sinabi noon sa kanila ni Lola Esma.

"Hindi totoo ang iniisip ninyo.. kakampi ninyo ako at handa kong talikuran ang tradisyon na nakasanayan at ibuwis ang sarili kong buhay alang-alang sa kaligtasan ninyo.."

At isang konklusyon at katanungan lamang ang pumasok sa isipan ni Kitch.. "Kung isinakripisyo ni Lola Esma ang kaniyang buhay sa amin, ay bakit namatay pa si Loise?"

Sandali siyang napalingon sa mga kaklase at saka nagsalita. "Sandali-- hindi kaya.. si Lola Esma ang tinutukoy sa balita?" tanong ni Kitch na nagpalingon kila Devee sa kaniya.

"'Wag na muna natin isipin 'yon, kailangan nang malaman ng pamilya ni Loise ang nangyari sa kaniya!" ani Siobe habang hinihintay ang pagdating ng sasakyan ng morgue na magdadala sa bangkay ni Loise. Samantala'y sina Daizy at Fudge ang naiwang maghintay doon. Sa takot na baka kung ano pa ang mangyari sa katawan ng kaklase ay nagdesisyon silang isugod sa Morgue ang katawan nito pagkarating na pagkarating lamang nila kagabi.

Kaya matapos kumain sa karinderia ay nagdesisyon sila na muling maglakad patungo sa tahanan nila Loise.

-

Nang malaman ang nangyari at nang maihatid ang bangkay nito sa kanila ay labis ang pagdurusa ng mga magulang ni Loise nang makita ang walang buhay na katawan nito. Bukod sa naninigas na ang buong katawan ay nag-iba na rin ang kulay ng balat nito. Sadyang hindi kapani-paniwala ang sinapit ni Loise sa kanilang pagpunta sa bayan ng Mumayta sa Davao. Subali't ang karanasan nilang iyon ang nagpatibay ng kanilang katapangan.

Kinalaunan ay binigyan na rin si Loise nang maayos na burol, habang hindi pa rin nakakapagpahi kani-kanilang tahanan ang magkakaklase.

"Sabihin ninyo sa akin.. kung ano ba talaga ang nangyari sa anak ko?" halos pabulong na wika ng ina ni Loise nang hindi inaalis ang tingin sa kabaong nito. Doo'y tila umatras ang kanilang mga dila para magsalita, at nang maglakas-loob na magsalita si Kitch ay agad siyang pinigilan ni Fudge.

"'Wag na muna natin sabihin.. siguradong hindi tayo paniniwalaan ni tita.." pabulong na sabi ni Fudge kaya muling napaatras si Kitch. At saka naman binalikan ng tingin ni Fudge ang ina ni Loise. "Ah.. tita, p'wede po ba'ng.. saka na lamang namin sabihin kapag kalmado na ang puso't isip mo-- mabuti pa'ng magpahinga na po muna kayo, kami na po muna ang bahalang magbantay dito.." magalang na tugon niya na ikinatango ng ina ni Loise.

Kapagkuwa'y napabuntong hininga si Fudge sa mga kaklase. At nasa ganoong sitwasyon naman sila nang biglang maalala ni Siobe ang kaniyang camera. "Ah.. 'yong camera pala? Nakuhanan ni'yo ba lahat ng impormasyon?" tanong nito.

"Heto," ani Daizy habang inaabot ang camera. "Na-i-charge ko naman 'yan kagabi, pagkarating pa lamang dito.."

"Mabuti kung ganoon, mapapanuod ko rin ang ilang pangyayaring hindi ko nasaksihan," malungkot na wika ni Siobe habang binubuksan ang kaniyang camera.

"Heto rin ang recorder kung sakaling hindi masyadong malinaw ang pagkakarinig mo," ani Kitch habang inaabot iyon.

"Salamat," sagot muli ni Siobe. At kahit nakakabingi ang katahimikan sa burol ni Loise ay hindi sila nailang na balikan ang mga pangyayari sa isang bayan ng Davao, ang Mumayta.

Habang pinanunuod 'yon ay binabalikan nila sa kanilang isipan ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari. Simula nang unang pagtuntong nila sa bayan ng Mumayta..

"Anong isinusulat mo, Kitch?" pagpuna sa kaniya ni Devee na ngayo'y nabaling ang tingin sa kaniya.

Napangiti si Kitch habang ipinagpapatuloy ang pagsusulat. "Isinusulat ko ang aking magiging script kapag nagawa natin 'tong i-shooting.." At sandali siyang natigilan nang alalahanin ang petsa. Napatingin siya sa cellphone niya at namilog ang kaniyang mga mata nang malaman ang petsa. "Ika-1 na pala ng Abril ngayon?" pagtataka niya at doo'y napatingin din sa kani-kanilang mga cellphone ang apat.

"Shete! Hindi ko rin namalayan ang mabilis na pagtakbo ng mga araw," napapailing na tugon ni Fudge. At muling bumalik ang atensyon nila kay Siobe nang bahagya itong napasigaw.

"Seryoso? Nakuhanan ni'yo 'to?" Narinig nilang tanong pa nito kay Daizy. Kaya napatango naman si Daizy at saka sila ulit tumingin sa video na pinanunuod ni Siobe. "I can't believe na magagawa ninyo itong kuhanan.. at teka, kakaiba ang awra ko rito.. parang hindi ako.." tugon pa ni Siobe. "Nakakahanga ang ganitong uri ng dokumentaryo, lalo na siguro kapag na-edit na natin nang maayos," dagdag pa nito.

"Mayroon pa riyan 'yung vinideo-han namin si Lola Esma na maluha-luha sa kaniyang sinapit sa bayang iyon," wika ni Kitch na nagpamangha lalo kay Siobe.

"Kung ganoon ay isa rin siyang patunay sa kaniyang mga naging karanasan," wika ni Siobe.

"Pero sa tingin ko ay kulang pa 'yan," maikling tugon ni Kitch na nagpalingon sa kaniya nina Fudge, Daizy, Devee at Siobe.

"Sandali, anong ibig mong sabihin, Kitch? Hindi ba't magandang patunay na 'yan para sa ating dokumentaryo?" tanong ni Fudge.

Napailing si Kitch at tiningnan si Siobe. "Dahil hindi pa mismong nagsasalita ang isang naging biktima na siyang magbibigay linaw sa tradisyon ng mga Obalagi," aniya na nagpaawang ng mga labi nila. Ang tinutukoy niya ay si Siobe dahilan para mapasulyap siya rito. "Siobe, kailangan mong magsalita sa harap ng camera ng inyong mga naranasan ni Loise sa kamay ng mga Obalagi."

"Walang problema sa akin, Kitch," agad na pagsang-ayon ni Siobe.

Subalit agad na umapila si Fudge, "Pero-- hindi ba't may kasunduan kayo ni Pinunong Magallon?" pagpapaalala ni Fudge.

Subalit hindi nagpaapekto si Kitch, bagkus ay nanatili ang kaniyang paninindigan na magiging lubos na makabuluhan ang kanilang dokumentaryo. Kung kaya mula sa kinauupuan ay napatayo siya. "Kung ako ba si Pinunong Magallon-- paniniwalaan ninyo ang kasunduan? Hindi ba't patunay lamang na dahil namatay si Loise ay dahil sa pagiging hangal niya-- nilinlang niya tayo! At kitang-kita ko sa mga mata niya ang pagdadalawang isip bago niya pa man tayo pakawalan. Naaalala ni'yo bang sinabi ni Lola Esma na kaya niyang magsakripisyo para sa atin alang-alang sa kaligtasan? Pero bakit ganoon? Bakit kailangang mawala ni Loise? Bakit kailangan niyang hindi tumupad sa usapan?" Sandaling napailing si Kitch at muling nagsalita, "Ngayon pa lang, sinasabi ko na.. ipagpapatuloy ko kung anong sinimulan natin, tutuparin ko kung anong mithiin natin at sasabihin ko sa ating dokumentaryo kung ano ang totoo at ang mga nalalaman ko." Buo na ang desisyon ni Kitch at para sa kaniya ay napakawalang puso ni Pinunong Magallon para hindi tumupad sa kanilang kasunduan. "At kung sakaling makarating man sa mga Obalagi ang ating dokumentaryo, ay labis kong ikasisiya.. sapagka't magkakaroon din ng katarungan ang mga taong pinatay nila, bukod pa ro'n ay magbabago na rin ang kanilang nakasanayang tradisyon."

At mula sa kaniyang kinatatayuan ay bigla na lamang umingay ang buong paligid, hindi dahil sa palakpak kundi dahil sa malakas na pag-iyak ng magulang at mga kaanak ni Loise.

At sa puntong iyon ay hindi niya inaasahan na lalapitan siya ng mga magulang ni Loise na sina Ginang Luisa at Ginoong Francis.

"Kahanga-hanga ang angking katapangan mo, hija.." panimula ni Ginang Luisa at saka ibinaling ang tingin sa kanilang lahat. "Maraming salamat sa inyo dahil tutulungan ninyong mabigyang katarungan ang pagkamatay ng anak namin.." dagdag pa nito. Hindi nila akalain na narinig pala nito ang kanilang pag-uusap.

"At asahan ninyong susuportahan namin ang inyong dokumentaryo," sabi naman ni Ginoong Francis na mapapansin pa rin ang luha sa mga mata.

Napatango silang lima at kaniya-kaniya silang yakap sa magulang ni Loise, gano'n lang din ang kanilang paghingi ng tawad dahil wala na silang nagawa para maisalba pa ang buhay nito.

Animo'y napuno ang paligid ng kalungkutan, pero sa kabila noon ay nanatili ang kanilang prinsipyo na magiging maganda at makabuluhan ang kanilang dokumentaryo.

Nakiramay din ang kanilang dean mula sa College of Arts & Sciences, ang ilang mga kaklase at kanilang mga professor sa college. "Grabe naman ang sinapit ninyo, akala namin ay hindi na kayo tutuloy pa sa kompetisyon, e," wika ni Elaja na isang magaling din na director mula sa film category.

"At halos dalawang linggo rin ang pagkawala n'yo, hah? Kaya medyo nahuhuli na kayo sa klase," sabi naman ni Sharlene.

"Kaya nga, e. Pakopya na lang ng mga notes para sa darating na exam, hah?" wika ni Kitch na ikinatango ng dalawa.

Samantala'y hinihingal na sinuyod nina Fudge at Siobe ang dean's office upang humingi ng tulong para sa pagpapalibing kay Loise. Katatapos lang kasi nilang humingi ng tulong sa may accounting office kaya naman tagaktak na ang kanilang pawis nang marating ang second floor ng kabilang building kung saan ay naroon ang dean's office. Marahan silang kumatok subalit wala man lang sumagot mula sa loob. "Wala si dean?" tanong ni Siobe. At napakibit balikat lamang si Fudge.

"Narito naman 'yon kapag weekdays, ah. Maliban na lang kapag naka-leave siya," wika ni Fudge. Kaya sinubukan niyang pihitin ang door knob at napahinga siya ng maluwag nang malamang hindi iyon naka-lock. "Bukas pala, e," dagdag pa niya.

Marahan niyang binuksan ang pinto kung kaya't umalingawngaw ang tunog niyon. At sa kanilang pagsulyap sa loob ay halos masindak sila nang makitang naliligo na sa sarili nitong dugo ang kanilang dean na si Mrs. Soledad. Sugatan ang maselang bahagi nito at punit na punit ang damit. May ilan-ilan pa itong kalmot sa katawan na naging palaisipan sa kanila kung sino ang walang pusong gumawa no'n. Maging ang ilang parte ng silid na iyon ay nagkalat ang dugo at kasabay niyon ang malansang amoy na umaalingasaw sa paligid.

"Diyos ko po," napapatakip sa bibig na tugon ni Siobe. At kapansin-pansin ang takot sa kaniyang mata nang sabihin iyon. Habang si Fudge naman ay sinubukang alamin kung may pulso pa ba si Mrs. Soledad, ngunit nabigo siya dahil patay na talaga ito. At habang nakatitig siya sa kaawa-awang sinapit ni Mrs. Soledad ay napapaisip siya sa kung sino ang nasa likod ng krimeng ito. "Fudge, bakit hindi ka makapagsalita?" pagtatakang tanong ni Siobe sa kaniya.

Nakaramdam siya ng kaunting kilabot bago pa man sabihin ang nasa kaniyang isipan, "H-hindi kaya.. narito na rin ang mga Obalagi?" Doo'y unti-unti na ring kinilabutan si Siobe sa sinabi niya habang hindi na nito nagawa pang magsalita.

Nanginginig ang kanilang mga kamay bago pa man hawakan ang telepono at itipa roon ang numero ng ambulance at mga pulis na p'wedeng rumescue at mag-imbestiga sa katawan ni Mrs. Soledad. At matapos matawagan ang ambulance at mga pulis ay tinawagan naman nila sila Kitch na kasalukuyang nag-e-edit ng bawat video para sa kanilang documentary.

Agad namang nagpunta sina Kitch, Devee at Daizy sa kinaroroonan nila. Ganoon din ang ilang school staffs at mga estudyante nang mabalitaan ang pangyayari. At maya-maya pa'y nagsidatingan na rin ang ambulance at mga pulis sa crime scene.

At bilang parte ng pag-iimbestiga ng mga ito sa pagkamatay ni Mrs. Soledad ay sila ni Siobe ang naging witness kung kaya't hiningi ng mga ito ang kanilang statement. "Wala na siyang pulso nang makita namin, tingin ko ay ilang oras na ang nakalilipas magmula nang mangyari ang krimen," opinyon ni Fudge habang in-interview sila ng mga pulis.

"May ideya ba kayo kung sino ang p'wedeng gumawa nang kagimbal-gimbal na krimeng ito?"

"Wala naman po kaming nababalitaang kaaway ni dean, pero may duda po kami na isang Obalagi ang p'wedeng gumawa nito," wika ni Siobe na sandaling nagpakunot ng noo ng isang pulis.

"Obalagi?"

"Opo, sila po ay mga nilalang na may kakayahang gayahin ang mukha at pustura ng kanilang natitipuhang gayahin. At ang nangyari kay Mrs. Soledad ay halatang r**e ang motibo nito na isa sa mga tradisyon nila."

Sandaling napa-isip ang mga pulis sa paliwanag ni Siobe. Hindi maiwasang may pagdududa ang mga ito na maniwala sa kanila na hindi ordinaryong tao ang gumawa nito kay Mrs. Soledad Kaya naman kinuha nila ang sandaling iyon para ipanood ang kanilang mga nakuhang video sa bayan Mumayta.

At halos magimbal nga ang mga ito sa napanuod kung saan ay doon lamang sila nakakita ng isang bayan na hindi karaniwan ang nakasanayang tradisyon. "Mukhang kailangan natin ng matalinong pagtugis sa kanila lalo na't may kakaiba silang kapangyarihan," wika ng isang pulis matapos ang video.

At matapang na nakipag-ugnayan si Kitch sa sinabi nito, "Manong pulis, sa tingin ko po ay kailangan n'yo ng tulong namin." Kaya sandaling napaawang ang kanilang mga labi habang iniisip ang maaaring sapitin sa kamay ng mga Obalagi. At ngayong wala na ito sa sarili nitong bayan, ay maging matagumpay kaya sila Kitch sa kanilang huling misyon?

Previous Next
You can use your left and right arrow keys to move to last or next episode.
Leave a comment Comment

Waiting for the first comment……

Please to leave a comment.

Leave a comment
0/300
  • Add
  • Table of contents
  • Display options
  • Previous
  • Next

Navigate with selected cookies

Dear Reader, we use the permissions associated with cookies to keep our website running smoothly and to provide you with personalized content that better meets your needs and ensure the best reading experience. At any time, you can change your permissions for the cookie settings below.

If you would like to learn more about our Cookie, you can click on Privacy Policy.