Chapter 20

Sparing Creep 2078 words 2023-07-07 18:36:45

HINDI NAG-AKSAYA ng oras at panahon ang grupo nila Kitch. Sa pagshu-shooting para matapos na ang kanilang documentary project, pagka-canvass para sa kanilang magsisilbing protection na bracelet at pag-iimbestiga sa tunay na nangyari kay Mrs. Soledad. Nakakabigla man ang pagsulpot ng mga Obalagi sa kanilang bayan ay kailangan nilang magdoble ingat sa ngayon. At ang tangi lang nila magagawa ay ang matalinong pagtugis sa mga ito.

Pagkarating pa lang ay nakausap na niya si Fudge at ibinungad niya agad dito ang bluetooth earphone device nito na magsisilbing alarm nila sa tulong nina Wakan at Lauro. "Fudge, p'wede bang ipahiram ang bluetooth earphone mo kila Wakan?"

"Para saan?"

"Iyon kasi ang magsisilbi nating alarm para mas maging alerto tayo kung nasa paligid nga ang mga Obalagi."

"Okay, walang problema, pero dapat ay mayroon din tayong gamitin," wika ni Fudge. At mabilis niyang kinuha sa bag ang binili niyang bluetooth earphone na ikinaawang ng labi ni Fudge. "Wow! Handang-handa ka talaga, a!"

"Siyempre naman at kailangan nating mas maging handa, Fudge. Lalo na ngayon at hindi natin alam kung anong oras p'wedeng maghasik ng kasamaan ang mga Obalagi."

"Tama ka riyan, pero kumusta na pala ang proof of evidence na hinihintay sa kaso ni Mrs. Soledad?"

"Ayon, ngayong araw daw natin malalaman. Nakausap ko na rin ang video operator na ngayon nga raw nila ipapakita ang video footage no'ng araw na iyon."

"Good, kung ganoon ay magsimula na muna tayo ng shooting, nalalapit na ang deadline, e. Teka, nasaan na pala 'yung tatlo?" wika ni Fudge. At sa puntong iyon ay nagsidatingan na rin ang dalawang sina Devee at Daizy.

Humahangos ang mga ito na makalapit sa kanila. "Kitch, Fudge, kasama namin sina Wakan at Lauro!" pagbungad sa kanila ni Devee habang hinihingal mula sa kakaakyat.

Kaya naman hinanap kaagad ng mata nina Kitch at Fudge ang dalawang sina Wakan at Lauro kasabay sa paglalakad si Siobe.

"Wakan? Lauro?" pagtataka ni Kitch sa presensya ng dalawa. At sandali nitong binalingan ng tingin si Siobe. "Paano sila nakapasok?"

"Ay, ipinagpaalam namin sila sa guard as visitors. Kailangan daw nila tayong makausap, e," sagot ni Siobe.

"Gano'n ba," wika ni Kitch at doo'y nagawa niyang pagmasdan ang pustura ng dalawa. "Ayos ang suot n'yong dalawa, parang normal na tao na talaga kayo." Napangiti ang dalawa subalit mabilis din na sumeryoso. Kaya naman nagsimula silang kabahan sa kung anong hatid na balita nito. Pero bago pa man tuluyang makapagsalita si Wakan ay inunahan niya ito, "Tamang-tama at nandito pala kayo, ibibigay ko rin sana 'to." Saka iniabot sa dalawa ang bluetooth earphone.

Nagtataka namang tinanggap iyon ni Lauro. "Para saan 'to?" tanong nito.

"Iyan ang magsisilbi ninyong signal alarm sa amin. Pero hindi dapat nalalayo sa isang daang metro ang agwat sa isa't isa para mapanatili ang conection."

"Kung ganoon ay hindi rin pala 'to versatile para magamit kahit saan ka pumunta," wika ni Daizy.

"Oo, Daizy. Dahil may limit talaga sa distance ang p'wedeng ma-transmit na signal ng isang bluetooth device. Pero kahit gano'n ay maging thankful na rin tayo dahil minsan na rin itong nagligtas sa buhay namin ni Devee," ang sabi ni Kitch kaya napatango na rin ang lahat.

"Nga pala ano ang sasabihin ninyong dalawa sa amin?" wika ni Fudge kina Wakan at Lauro.

"Maghanda kayo sapagkat nabalitaan namin na inaalam na nila Pinunong Magallon ang tungkol sa video footage at kung paano nila 'yon makukuha. Maaari silang magpanggap bilang staff ng school at kapag nangyari 'yon ay mababasura lang ang kaso ni Mrs. Soledad," ang sabi ni Wakan na ikinakaba nila. Masyadong nakakakaba ang balitang iyon.

"At may isa pa kayong dapat paghandaan," wika naman ni Lauro.

"Ano 'yon?" tanong ni Siobe.

"Ang inyong documentary files, balak din iyong kuhanin ng pinuno para wala kayong maibahagi sa mga tao tungkol sa nakasanayang tradisyon ng aming bayan."

"Masyado ng hindi makatarungan ang ginagawa nila. At ultimo ang pinaghirapan namin ay gusto nilang mauwi lang sa wala? At napaka-unfair naman sa batas kung pati ang ebidensya sa pagkamatay ni dean ay makuha nila," inis na sabi ni Kitch.

"Kaya nga, e. Nakakagigil! Kung p'wede lang na pumatay ay pinatay ko na sila!" wika ni Fudge. At saka nito ibinaling ang tingin kina Wakan at Lauro, "Pero maraming salamat sa balita, Wakan at Lauro," ang tugon naman ni Fudge.

Napatango naman ang dalawa subalit nakita sa mga mata nito ang labis na pag-aalala. "'Wag na kayong mag-aksaya ng oras kung ayaw ninyong mabalewala lahat ng pinaghirapan n'yo," wikang muli ni Wakan. Napatango naman silang lima at kapagkuwa'y muli na namang nagsalita si Wakan, "Pero bago ang lahat, paano nga pala gamitin 'to?" Itinaas nito ang bluetooth earphone na naging sentro ng tingin nila.

At dahil mas ka-close ni Kitch si Wakan ay siya ang pinalapit dito ni Fudge para turuan ang dalawa sa paggamit niyon. Sandaling inilabas ni Kitch ang cellphone niya at sa pagbukas niya no'n ay hindi inaasahang makikita ni Wakan ang kaniyang wallpaper kung saan ay litrato nilang dalawa ng kaniyang ama. Lingid kay Kitch ang namumuong pagkagusto sa kaniya ni Wakan sa kabila ng pagkakaiba nila ng kultura at tradisyon. Binuksan niya ang bluetooth earphone at maging ang bluetooth device sa cellphone at ipinag-connect iyon. Kitang-kita sa mga mata ng dalawa ang pagkabilib nang makarinig ng tunog mula sa bluetooth earphone. Subalit hindi pa natapos si Kitch at nagawa niya rin i-connect ang kaniyang bluetooth earphone.

"Sige nga, subukan natin," ani Kitch. Sandali nitong inilibot ang tingin. "Pupunta ako malapit sa may CR at pakinggan n'yo lang ang sasabihin ko ro'n, hah?" Napatango naman si Wakan na siyang may gamit ng bluetooth earphone. Habang si Kitch ay nagsimula nang maglakad palayo patungo malapit sa may CR. "Ano? Anong balita riyan?" pagkukunwari niya na nasa gitna ng pangyayari.

At gano'n lang din ang kaniyang pagngiti mula sa kabilang linya nang marinig ang boses ni Wakan bilang pagtulong nito sa kanila. "Kitch, ayos naman dito. Walang senyales na nandito ang mga Obalagi."

Napabuntong hininga siya at sa kaniyang paglingon mula sa direksyon ng mga estudyante ay may kakaiba siyang nakita. At iningatan niya ang bawat salitang binitawan sa muli niyang pagsasalita, "Tumingin kayo sa direksyon ng mga estudyante na nasa tapat ng daan papunta sa inyo," pag-utos niya.

At anong kilabot ang kaniyang nadama nang magtagpo ang kanilang tingin ng lalaking tinititigan niya. Na sa kaniyang pakiramdam ay isa iyong Obalagi na nagtatago sa katauhan bilang isang estudyante. Kinakausap nito ang isang babaeng nakauniporme ng tourism.

"Anong mayro'n?" tanong ni Wakan sa kabilang linya.

"Ay putcha!" Narinig niyang mura ni Fudge.

"N-nakita n'yo siya?" tanong niyang muli kahit panay na ang pagkabog ng kaniyang dibdib. At sa puntong iyon ay bigla na lamang siyang natigilan sa boses na nanggaling mula sa kaniyang likuran. Kaya naman hindi na niya narinig pa ang sumunod na sinabi ni Wakan.

"Kumusta?" At sa kaniyang pagharap ay halos manginig ang mga tuhod niya mula sa kinatatayuan nang makilala ang mata ni Pinunong Magallon sa katauhan ng kanilang professor sa Communication 232.

Hindi niya magawang sumagot habang panay tanong sa kaniya sa kabilang linya si Wakan, "Kitch, nandiyan ka pa? Ano ng nangyayari?"

"'Wag mo akong lapitan at susubukang saktan," pagbabanta niya rito na ikinakunot ng noo nito. At hindi naman inaasahang maririnig iyon nila Wakan kaya pinuntahan siya ng mga ito.

"Anong sinasabi mo, Ms. Sandoval? Kinakamusta lang kita. At saka magsisimula na ang klase after few minutes, please go to your respective class room." Sandali pa niyang ikinurap ang paningin at anong pagkapahiya ang kaniyang nadama dahil namalikmata lamang siya.

At nang sandaling ibalik niya ang tingin sa lalaking nakita kanina sa grupo ng mga estudyante ay wala na ito. Anong panghihinayang ang kaniyang natamo. "Anong nangyari?" pagbungad agad sa kaniya ni Fudge nang makalapit ito sa direksyon niya.

"Namalikmata ako sa prof natin na si Mrs. Lozares. Inakala kong isa siyang Obalagi." Napakunot ang noo nila sa sinabi niya.

"Pero nakita namin ang itinuro mo kanina, baka siya ang tunay na Obalagi!" wika naman ni Devee.

"Kaya nga, e. Nalingat lang ako ng paningin ay nawala na siya. At sigurado ako na may susunod na namang biktima," aniya na nagbigay kilabot sa kanila. Saka siya muling nagpatuloy sa pagsasalita, "Kitang-kita ko kung paano niya kausapin ang tourism student kanina at kung paano manlisik ang kaniyang tingin nang magtagpo ang mga mata namin."

"Nakita ko nga 'yon! Kaya napamura ako, pero bigla ka naman daw hindi na nagsalita kaya nag-alala kami!" wika ni Fudge.

At sa kabila ng mga sinabi ni Fudge ay sinubukan pa rin ni Kitch ang kumalma, "Wakan, Lauro. Hintayin n'yo na lang kami sa may exit. After ng isang subject ay pupuntahan na natin ang operator para makita ang video footage."

Napatango sina Lauro at Wakan sa sinabi niya at doo'y sabay-sabay na silang pumasok ng class room nina Fudge, Siobe, Devee at Daizy.

Anong katanungan naman ang sinalubong kay Kitch ni Sharlene. "Kumusta ang documentary n'yo?"

"Heto, hindi pa rin nakakapag-shooting dahil sa sabay-sabay na problema. E, kayo? Kumusta ang film n'yo?"

"Ayon, so far ay malapit nang matapos. Ahm, sa totoo lang ay hinahangaan ko ang grupo n'yo sa pagiging ma-effort sa kaso ni dean."

"Wala 'yon, ginagawa lang namin kung ano ang tama," aniya at nagsimula na silang makinig sa lecture ni Mrs. Lozares.

Bale tatlong category nahati ang kanilang project. At bawat category ay tatlong grupo ang maglalaban. Tatlo sa documentary, short film at music video. Pero dahil kulang sila sa lalaki ay sila na lang ang nag-decide na pumili ng kanilang magiging grupo. At dahil sixty two student sila sa isang section ay hinati-hati sa five to six persons kada isang grupo at per category. Kaya naman umaasa si Kitch na pagkatapos ng lahat ng problemang kinakaharap ay matutukan na ulit nila ng husto ang kanilang documentary project.

Subalit, tila hindi nakikisama ang kapalaran dahil hindi pa man nila nakakausap ang technician ay isang kagulat-gulat na balita na naman ang bumungad sa kanila.

"May natagpuang patay doon sa third floor ladies comfort room!" Narinig nilang sabi ng isang educ student.

"Talaga? Kilala n'yo ba?" tanong naman ng IT student na napagsabihan.

"Hindi, e, pero isang tourism student daw."

At doo'y napapikit si Kitch sa narinig. Habang si Daizy naman ay panay ang pagyugyog sa kaniya. "Kitch, tama nga ang sinabi mo, may biktima na naman!"

"Grabe na talaga ang nangyayari rito sa Ademian University," napapailing na wika ni Siobe.

"Nakakainis dahil hindi ko naagapan ang pangyayari," inis na wika ni Kitch sa sarili.

"'Wag mong sisihin ang sarili mo, Kitch. Walang may gusto nang nangyari," pagpapakalma sa kaniya ni Fudge.

"Hay, mabuti pa at magtungo na tayo sa operator. Sigurado naman akong may tumawag na ng ambulance at mga pulis," wika ni Siobe na ikinatango nila.

"Devee at Daizy, pakitawag sa exit sina Wakan at Lauro, at sumunod na lang kayo sa may control room," utos ni Kitch na ikinatango nila. "Fudge, paki-contact na ang mga pulis."

"Sige, Kitch."

Hindi nga sila nag-aksaya ng oras para makarating sa control room at doo'y naabutan nila ang operator na tahimik at seryoso. "Kuya, nandito na po kami," pagbungad ni Kitch na tila ikinagulat nito ang kanilang pagdating.

"A-anong ginagawa n'yo rito?" tanong nito na nagpakunot ng noo ni Kitch.

"Kuya, hindi mo po ba ako natatandaan? Ako po 'yung nakausap mo kahapon para ipanuod sa amin ngayon ang video footage ng pagkamatay ni Mrs. Soledad."

"Hindi, wala akong natatandaan," sagot ng operator na ikinainis ni Kitch.

"Ano? Ulyanin na po ba kayo? Parang kahapon lang ay maayos ang usapan natin, e." Pagkasabi niya no'n ay nagdatingan na rin ang mga pulis kasama sina Devee, Daizy, Wakan at Lauro. Subalit hindi pinalampas ni Kitch ang takot na nakita niya sa mata ng operator. "Sandali, ano po bang nangyari at bigla na lang nagbago ang desisyon mo?"

Napatayo ito sa sinabi niya at ganoon na lang din ang pagtataka ng dalawang pulis sa sinabi niya, "Babalik siya at papatayin ako kapag ibinigay ko sa inyo ang copy ng video footage sa pagkamatay ni Mrs. Soledad."

"Ano? Sinong babalik ang sinabi mo?" tanong ng isang pulis.

Subalit bago pa man makasagot ang operator ay inunahanna ito ni Kitch para sumagot sa katanungan. "Isang Obalagi ang nanakot sa kaniya, mamang pulis at p'wede nating gawing pain iyon para mahuli na sila." At doo'y nagawa niyang balikan ng tingin ang operator at isang katanungan at pangako ang ibinigay niya rito, "Kuya, matutulungan mo ba kami? Pangako na hinding-hindi ka madadamay dito."

Leave a comment Comment

Waiting for the first comment……

Please to leave a comment.

Leave a comment
0/300
  • Add
  • Table of contents
  • Display options
  • Previous
  • More Chapters

Navigate with selected cookies

Dear Reader, we use the permissions associated with cookies to keep our website running smoothly and to provide you with personalized content that better meets your needs and ensure the best reading experience. At any time, you can change your permissions for the cookie settings below.

If you would like to learn more about our Cookie, you can click on Privacy Policy.