HINDI MAN gaano naging matagumpay ang kanilang pananaliksik ay sapat ng ebidensya ang kanilang nakita kanina. Wari'y hindi lang nila maintindihan kung bakit ganoon ang nakasanayang tradisyon ng bayang iyon.
"Tama ba ang hula ko? Mga babae talaga ang nagiging biktima nila?" tanong ni Fudge nang makabalik sila sa kubo ni Lolo Esma.
At hindi naman sinasadya na maririnig iyon ni Lola Esma kung kaya't napasabat ito. "Hindi ba't minsan ko nang sinabi sa inyo na naging biktima rin nila ako." Naging palaisipan sa kanila ang sinabi ni Lola Esma subalit batid nilang kahit magtanong pa sila rito ay wala silang mahahanap na malinaw na kasagutan dahil bawal nga raw ang pagku-kuwento nang naitatagong lihim ng bayang iyon.
"Kung ganoon ay tama ng ang hinala ko," konklusyon ni Fudge na tinanguan naman nilang lahat.
"Kaya nga mas dapat tayo ngayong kumilos lalo na't nakita natin na hawak nila si Loise, pero nakapagtataka lang isipin kung nasaan ngayon si Siobe?" wika ni Kitch.
"Sigurado akong hawak din nila si Siobe, Kitch," opinyon ni Fudge.
Napabuntong hininga si Kitch sa narinig at naisipang buksan ang camera para panuorin ang nakuha niya kaninang video. Agad namang naki-isyoso sina Devee at Daizy sa kaniya. "Iyan ba ang nakuhanan mo kanina?" paniniguro ni Devee.
"Oo, Devee. At malaking tulong 'to sa kinakailangan nating impormasyon para sa documentary," sagot ni Kitch.
Pinanuod nila ang video at sa kanilang panunuod ay hindi nila lubusang matanggap ang tradisyong patuloy na nakasanayan ng bayang iyon. "Grabe lang 'yung pagsamba nila sa kanilang pinuno," ang sabi ni Devee na nagpalingon kay Lola Esma habang naghuhugas ito ng mga kinainan.
"Nakita n'yo na pala siya," tanging wika nito na nagbigay ng pagtataka sa kanila. Hinayaan nilang magsalita pa si Lola Esma, "Siya si Pinunong Magallon a-at kung mayroon mang dapat managot sa batas ay siya iyon. Siya ang puno't dulo ng lahat." Nakita nila ang panginginig sa labi ni Lola Esma habang sinasabi 'yon, wari ay grabe ang sinapit nito dati sa nasabing pinuno.
"Salamat po sa kaunting impormasyon, Lola Esma. Pero ano po bang parusa kapag nakarating sa kanila na ikinu-kuwento ang naitatagong lihim ng bayang ito?" tanong ni Daizy.
"Kamatayan," maikling sagot ni Lola Esma pero nagbigay iyon sa kanila ng kilabot at pangamba. Tumingin pa ito sa labas bago muling nagsalita, "Hindi ko rin masabi kung kailan sila susulpot dahil mayroon silang kakayahan na sadyang nakakatakot, at kung ano 'yon ay iyon ay dapat n'yo rin na alamin."
"Anong kakayahan kaya 'yon? Sigurado akong makakaapekto 'yon sa ating pananaliksik," ang sabi ni Kitch.
"Oo, Kitch, kaya ipinapayo ko na kayo'y magdoble ingat at mas talasan pa ninyo ang inyo ang inyong paningin at pandinig," ang sagot ni Lola Esma na nagbigay lalo ng matinding katanungan sa kanila.
Nang sumapit ang dapit hapon ay naging palaisipan pa rin sa magkakaklase ang kaunting impormasyon na nalaman mula kay Lola Esma. Kaya naman nagplano sila na imbes sa umaga manaliksik ay sa gabi na lamang subalit mas doble nga lang ang maaaring maging kapahamakan sa gabi dahil madilim at hindi nila ganoon kabisado ang pasikot-sikot sa kabundukan ng bayang iyon.
"Kailangan nating maghiwa-hiwalay kung maaari, kayo, Fudge at Devee, kailangan ninyong pasukin ang kuwebang iyon," ang wika ni Kitch habang sila'y nagtitipon-tipon.
"Pero mapanganib, Kitch, nakita mo naman na maraming tauhan ang Pinunong Magallon na 'yon, 'di ba?" katwiran ni Fudge.
"Alam ko, pero iyon lang nakikita kong paraan para masagot ang ilan sa ating katanungan."
"Kailangan nating magbuwis ng buhay para lang sa dokumentaryong ito? Kitch naman, pasensya na pero hindi ako sasang-ayon ngayon sa kagustuhan mo," ang sabi ni Fudge na halatang tumataas na rin ang tono ng boses.
"Okay, sige, palit tayo, kami ni Devee sa kuweba habang kayo naman dalawa ni Daizy sa labas." Pagkasabi no'n ni Kitch ay may kinuha itong device na nagpakunot ng noo nina Fudge, Devee at Daizy. "Kung kinakailangang magbigay kayo ng go signal ni Daizy sa pamamagitan nang pagpindot sa device na ito."
"Teka, saan mo naman nakuha 'yan?" tanong ni Fudge.
"Napulot ko ito kanina, teka, may bluetooth headset ka, 'di ba, Fudge? Kailangan nating i-connect 'yon dito." Napatango si Fudge at saka kinuha sa bag pack ang kailangan ni Kitch.
Samantala'y hindi naman maiwasang lalong humanga ni Lola Esma sa nabubuong plano ni Kitch at sa loob niya'y nakikita ang pag-asa na magbabago ang nakasanayang tradisyon sa kamay ng mga magkakaklaseng ito.
Kinabukasa'y maagang naghanda ang ang apat na sina Kitch, Fudge, Devee at Daizy para sa kanilang paglusob sa nasabing kuweba. Umaga pa lang ay hinanda na nila ang kanilang mga kagamitan para sa gagamitin mamaya, ang camera, tripod, speaker at bluetooth device na magiging go signal nina Kitch at Devee sa loob habang magiging watcher naman sa labas sina Fudge at Daizy.
"Hindi ba't mas magiging delikado kung gabi tayo lulusob?" pagbubukas ng usapan ni Daizy.
"Maaari nga pero mas malaki ang advantage na makapasok kami ni Devee dahil oras iyon ng pahinga," sabi ni Kitch na sandaling nagpa-isip sa kanila.
Maya-maya pa'y sumang-ayon si Fudge sa sinabi ni Kitch. "Tama si Kitch, pero hindi maiiwasan isipin ang katotohanan na mas malaki nga ang peligro na p'wede nating sapitin, lalo na sa amin ni Daizy lalo na't madilim ang pagtataguan namin."
"Naisip ko na 'yan, Fudge. Pero hindi natin malalaman ang kasagutan kung hindi natin susubukan. Basta, Fudge, Devee at Daizy, kailangan natin ng pagkakaisa, okay?"
At sa gitna ng usapang iyon ay hindi nila inaasahan ang sasabihin ni Lola Esma, "Humahanga ako sa paninindigan ninyo na malaman ang katotohanan sa bayang ito. At kung patuloy kayong magtutulungan ay hindi malabong mahanap ninyo ang kasagutan."
-
Sumapit ang gabi at kasalukuyang nagpapahinga ang lahat, nagpaalam din sila ng maayos kay Lola Esma bago ito matulog. May dala silang lampara na magsisilbing ilaw nila sa daan. Sa kanilang paglalakad ay hindi maiwasang magtunugan ang kanilang naaapakang mga dahon na nahulog sa lupa. Pero sinisikap pa rin nilang 'wag magdulot ng kahit na anong ingay.
Hanggang sa marating nila ang tapat ng kuweba kung saan ay doon lang nagkaroon ng maliwanag na lugar dahil pinalilibutan iyon ng maraming ilaw sa paligid. Nagkataong walang bantay sa labas pero nakasisiguro silang marami ang nakabantay sa pagpasok pa lang. Doo'y humiwalay na kaagad sina Fudge at Daizy sa kanila na magsisilbing watcher nila mula sa labas. "Maghanda ka na, Devee, titingnan ko lang kung may ibang daanan mula sa likod," pabulong na sabi ni Kitch. At napatango naman si Devee sa sinabi niya.
Kaya naman sandaling naiwan si Devee at hindi nito maiwasang mangamba sa bawat segundong hindi pa bumabalik si Kitch. At nang marinig niya na may paparating ay mabilis siyang nakapagtago sa may puno habang hinihintay ang pagdating ni Kitch. "Kitch, nasaan ka na ba?" kinakabahang bulong niya sa sarili. At mas lalo pang tumindi ang kaniyang kaba nang marinig ang isang hindi pamilyar na tinig, "Sino ka?" Hindi niya alam kung lilingon ba siya o hindi nang mga sandaling iyon dahil batid niyang nag-aabang na ang isang panganib. At dala ang matinding kaba ay unti-unti siyang lumingon. Sa kaniyang paglingon ay hindi niya inaasahang isang matandang lalaki ang bubungad sa kaniya. Wala namang katakot-takot sa itsura nito dahil katulad niya ay mukha rin itong normal na tao. Doo'y unti-unting napawi ang kaniyang kaba. At nagsalita itong muli, "Mapanganib ang lugar na ito, hija, at bakit naglakas loob kang magpunta rito?" Sa puntong iyon ay hindi na niya nagawang makasagot dahil dumating na rin si Kitch.
"Mawalang galang na po, pero nandito po kami para magsaliksik sa naitatagong lihim ng bayang ito," pormal na sagot ni Kitch at doo'y tumabi sa kaniya si Devee.
Lingid sa kanilang kaalaman na kakilala ni Lola Esma ang matandang lalaking kausap nila ngayon. At isa itong tapat na espiya ni Pinunong Magallon, subalit nang marinig nito ang sinabi ni Kitch ay tila namuhay ang kaunting pag-asa rito na matagal na sana niyang sinukuan. Kaya kahit gustuhin man niya na dakipin ang dalawang ito ay tila may nag-uudyok sa kaniya na pigilan ang sarili. Hinayaan niyang makatuloy ang dalawa na makapasok sa likurang bahagi ng kuweba. At kahit gustuhin niya man itong samahan ay mas pinili niya na lang na hayaan ang dalawa kahit ang naghihintay dito ay ang maaaring kapahamakan.
"Dahan-dahan, Devee," mahinang tugon ni Kitch nang pilit nilang pinapasok ang lihim na lagusang nakita niya.
At sa kanilang pagpasok ay kakaibang senaryo ang nakita nila. Iyon ay ang mga kalansay na disenyo sa mga dingding at ang markang "X" na nakaukit doon. Wari ay nagbigay iyon sa kanila ng matinding kuryosidad. Kaya naman nagawa iyong kuhanan ng litrato ni Kitch. Subalit..
"Kitch, may paparating," wika ni Devee dahilan para patakbo silang nagtago sa isang sulok. At ang nagbigay takot pa sa kanila ay ang malakas na tawa ng isang lalaki na hindi nila alam kung saan iyon nanggaling.
Waiting for the first comment……
Please log in to leave a comment.