NAKABALIK ANG apat na magkakaklase ng ligtas sa bahay kubo ni Lola Esma. Subalit hindi inaasahan ng matanda ang kanilang pagbabalik.
"O, bakit bumalik pa kayo?" wika nito habang isa-isa silang pinagmamasdan.
"Lola, kung mararapatin mo po, ay nais po sana naming baguhin kung anuman ang tradisyon ng bayang ito," pormal at malinaw na wika ni Kitch na sinang-ayunan naman ng tatlong sina Fudge, Devee at Daizy.
Samantala'y hindi maitago ang pag-aalala ni Fudge sa kaibigang si Loise, dahil kahit literal na matigas ang ulo nito ay hindi maitatago ang kaniyang nararamdamang lihim na pagmamahal para rito.
-
"Siobe! Tulungan mo ako!" malakas na sigaw ni Loise na nagpalingon kay Siobe. Naunahan niya kasi ito sa paglalakad. At sa paglingon ni Siobe ay hindi niya inaasahan ang kaniyang makikita.
Dahil akay-akay na si Loise ng mga estrangherong lalaki. At ang nakapagbigay sa kaniya ng matinding takot ay ang nanlilisik na mga mata nito. Tila nag-uumapaw sa saya habang patuloy na pinagpipyestahan ang katawan ni Loise.
"Loise!" mahaba niyang sigaw at wala na siyang nagawa dahil mabilis ng mga itong nadakip si Loise.
Nagtatakbo siya habang umiiyak nang makabalik sa kotse at kapantay niyon ang pagdadalawang-isip kung babalikan ba niya ang mga naiwang kaklase.
"Loise, I'm sorry.." naluluha niya pa rin sabi at bago pa man siya makapasok ng kotse ay isang estrangherong lalaki naman ang nakita niya. Mukhang matino ito hindi katulad ng mga dumakip kay Loise. Kinakabahan ma'y nagawa niya pa rin itong lapitan. "Kuya, p'wede po bang magtanong.." Lumingon ito sa kaniya at ewan ba niya pero nakadama na naman siya ng pangamba.
At huli na nang mapagtanto niya na ito ang lalaking napagtanungan nila nang umpisang magpunta sila sa bayan na iyon. Walang anu-ano'y kumaripas siya sa pagtakbo subalit sinalubong naman siya ng mga kasama nito dahilan para wala na siyang malusutan.
"Saan ka pupunta? Hindi ka na makakaalis dito," nakangising anito kaya lalong mas tumindi ang kaba niya.
Nakaramdam siya nang panghihina ng mga tuhod at tuluyan na siyang hindi nakatakbo. Dahil hindi na siya nakatakas sa kamay ng mga estrangherong lalaking ito.
Sa madilim at matayog na kuweba siya idinala ng mga ito, animo'y ang takot na bumabalot sa kaniya ay sandaling napawi nang matanaw niya ang katawan ni Loise na nanghihina.
'Buhay si Loise!' sigaw niya sa isip.
Subalit nakaramdam kaagad siya ng awa nang mapuna na lupaypay na ang katawan nito at sira-sira na rin ang damit. Hindi na rin ito makalingon sa kaniya dahil sa kirot nang nararamdaman dulot ng mga sugat na natamo.
Lalapitan niya na sana ang kaklase subalit mabilis naman siyang nahawakan sa magkabilang braso at paa ng mga estrangherong lalaki.
"Bitawan ninyo ako! Ah!" Nagtatangis ang bagang niya sa pagsigaw. Doon lang napalingon si Loise sa kaniya at sa pagkakataong iyon ay hindi nila nagawang magkalapit dahil kahit anong pilit na pagpupumiglas ni Siobe sa mga estrangherong lalaki ay sadyang hindi niya kakayanin ang lakas ng mga ito.
"Ano bang kailangan ninyo sa amin?" matapang niyang tanong sa kabila ng pangambang bumabalot sa kaniya. Nanlilisik naman ang mga mata nito nang tinitigan siya at ang mga hubad nitong katawan na pang-itaas ay dumagdag sa takot na nararamdaman niya.
"Wala na kayong takas," nakangising anito.
"Dalhin na 'yan sa silid!" makapangyarihang utos ng isa sa nakatataas sa kanila habang pilit siyang kumakalas sa mahigpit na pagkakahawak ng mga ito sa kaniya.
Nang maikulong siya ng mga ito sa isang kuwarto ay doon lang bumuhos ang luha niya. Ang tapang na naipon niya kanina ay biglang nawala na parang bula. Naisip niya ang apat na kaklase na sina Kitch, Fudge, Devee at Daizy. Napaluha siya sa kawalan at napaisip na, kung sana ay hindi naging matigas ang ulo niya ay hindi sana sila madadakip ng mga estrangherong lalaki-- na sana ay magkakasama pa rin sila ngayon.
"Ilabas ninyo ako rito! Parang awa ni'yo na!" Halos mawalan na siya ng pag-asa nang walang nag-aatubiling pagbuksan siya kahit ilang ulit na siyang nagsisigaw. Kaya napaluhod na lamang siya sa likod ng mabakal na pintuang iyon habang nagtatangis ang luha sa kaniyang mga mata. Hindi niya lubos akalain na sa isang iglap ay mararanasan niya iyon.
Samantala, ay nanatiling matibay ang prinsipyo ng magkakaklase na sina Kitch, Fudge, Devee at Daizy. Pero lingid sa kanilang kaalaman ang sinapit nina Loise at Siobe.
"Kumusta na kaya ang dalawa? Nakapag-stop over na kaya sila sa ibang lugar?" tanong ni Fudge at kaagad niya naman tiningnan ang cellphone na ngayon niya lang naisipan tingnan. Napahampas siya sa upuang gawa sa narra na inuupuan nila nang mapag-alamang walang signal. "Nakakainis! Wala pa lang signal!" At napalingon naman sa kaniya si Kitch na inihahanda na ang camera.
"Mahirap talaga ang signal dito sa kabundukan ng bayan namin," ang sabi ni Lola Esma.
"Mabuti pa't maghanap tayo ng signal sa labas, nag-aalala ako sa dalawa, e," tugon muli ni Fudge.
"Mapanganib, Fudge. Kailangan muna natin alamin kung kailan at saan tayo dapat sumugod," ani Kitch.
"Kitch, anong ginagawa mo?" tanong naman ni Devee.
"Pinag-e-eksperimentuhan ko lang itong camera ni Loise kung nati-trace ang location natin." Napapatango na lang sina Devee at Daizy sa ginagawa niya.
"Magandang ideya 'yan, Kitch, pero hindi ka ba kinakabahan sa gagawin natin?" sabi ni Fudge habang ibinubulsa ang hawak nitong cellphone.
"Sa totoo lang ay wala akong kasiguraduhan sa kahahantungan pero whatever happens, ang importante ay sinubukan natin, 'do ba?" wika niya.
At sa puntong iyon ay hindi nila inaasahan ang sasabihin ni Lola Esma, "Pinapaalala ko lang sa inyo, hindi madali ang gagawin ninyo, pero ngayon pa lang ay hinahangaan na kita, Kitch sa katapangan mo."
"Salamat po, Lola Esma, hindi naman po namin magagawa 'to kung hindi dahil sa pagpapatuloy mo sa amin dito," sagot niya. Napatango ang matanda at natigilan siya sa itinanong ni Daizy.
"Nga pala Lola Esma, nasaan po ang asawa at mga anak niyo?" Napaupo ang matanda at doo'y nag-umpisa na silang makinig.
"Naging biktima ang nag-iisa kong anak na babae habang ang dalawa ko namang anak na lalaki ay namatay sa pakikipaglaban." Bigla na lang pumatak ang kanilang luha dahil nakaramdam sila ng awa sa matanda at katumbas niyon ang mga katanungang nais nilang masagot.
"Pasensya na po, lola, pero maaari ko po bang malaman kung bakit naging biktima ang anak mong babae?" mapanuyong tanong ni Kitch.
"Nang dahil sa tradisyon," tipid na sagot nito na lalong nagpagulo sa
kanilang mga isipan. Sinundan nila ng tingin ang matanda nang tumayo ito at naglakad malapit sa may bintana. At ang mga sumunod na sinabi nito ay labis na nagdulot ng matinding kaba sa kanila, "Hindi ninyo magugustuhan ang malalaman ninyo sa mga susunod na araw.. subalit hindi sa paggamit ng kahit ano mang dahas masusukat ang para sa hinahangad ninyong pagbabago sa katotohanan. Sa halip ay kinakailangan lang ninyo ay ang malakas na pananalig at katapangan."
"A-ano po bang ibig mong sabihin?" tanong ni Fudge.
"Hindi kayo maniniwala pero isa ako sa naging biktima at nakaligtas." Napakunot ang kanilang mga noo at hindi maiwasang magkatinginan.
"P-paano--"
"Sinabi ko naman sa inyo na hindi masusukat ng kahit ano mang dahas ang tunay na pakikipaglaban. Kung gusto ninyong matuklasan ang totoo ay samahan ninyo ng pananalig sa Poong Maykapal," wika pa nito na nagpaawang ng mga labi nila at ang kasagutang iyon ay nagbigay lalo ng dahilan kay Kitch upang alamin ang tradisyon na nakasanayan sa bayan na iyon.
"Diyan lang kayo," matapang na sabi ni Kitch sa gitna ng katahimikan.
"Sandali! Saan ka pupunta?" nag-aalalang ani Fudge.
"Hindi natin malalaman ang katotohanan kung nandito lang tayo at hindi magsisimula," malakas na paninindigan niya sa sarili. Kaya lalong kinabahan ang tatlo subalit hindi na siya nagpaawat pa. Mabilis siyang nakalabas ng bahay na iyon dala-dala ang camera at tripod. Wala siyang dalang kahit na anong armas kundi ang katapangan na inipon niya bago pa man siya sumugod.
"Kitch!" malakas na sigaw ni Fudge subalit tuluyan nang nakaalis si Kitch.
"Hayaan ninyo siya, kaya niya ang sarili niya," ang sabi ni Lola Esma na pilit pinalalakas ang loob ng tatlo. At ewan ba ni Lola Esma dahil nararamdaman na niya ang simula ng pagbabago sa katauhan ni Kitch.
Samantala'y hindi maintindihan ni Kitch kung bakit dinala siya ng kaniyang sariling mga paa sa daan kung saan sila nagpunta kaninang anim. Iyon ang daan pauwi at wala siyang ideya kung bakit parang may kailangan siyang malaman. Hanggang sa makita niya ang pamilyar na sapatos na naiwan sa kalsada. At wari'y kakaibang kutob ang naramdaman niya.
Waiting for the first comment……
Please log in to leave a comment.