Chapter 19

Sparing Creep 2005 words 2023-07-07 18:34:33

Chapter 19

Chapter 19

PAGKALIPAS ng mga araw, matapos ang pagkamatay ni Mrs. Soledad at bago ihatid sa huling hantungan ang mga labi ni Loise ay taimtim silang nanalangin ng kanilang mga kaklase sa maliit na chapel ng school. At ang ikinamatay nina Loise at Mrs. Soledad ay sadyang naging usap-usapan sa kabuuan ng campus. Naging sentro ng katatakutan ang pagkamatay nila kung kaya't ang iba'y hindi na rin nag-i-stay ng matagal sa school.

Pinalilibutan ang altar ng maraming kandila habang sila ay taimtim na nananalangin, subalit hindi nila inaasahan ang sumunod na pangyayari. Dahil matapos lamang manalangin ni Kitch ay agad siyang napadilat at hindi niya inaasahang mamamatay isa-isa ang mga kandila na nagbibigay liwanag sa altar. Nang makita rin iyon ng iba ay nanlaki ang kanilang mga mata sa nakita. At halos manginig ang katawan ni Kitch kasabay nang pamamawis ng kaniyang kamay nang masilayan ang bulto ng tao mula sa gilid ng altar..

Na walang iba kundi.. si Pinunong Magallon.

Sa pangamba na baka may susunod pa itong maging biktima ay mabilis niyang pinalikas ang mga estudyante na naroon. At ganoon lang din ang kaniyang pagsalubong nang dumating sina Fudge, Siobe, Devee at Daizy na kagagaling lang sa burol ni Loise. "Fudge, Siobe, Devee at Daizy, kailangan ninyong magdoble ingat."

"Bakit naman, Kitch?" tanong kaagad ni Daizy.

"Dahil nakita ng dalawa ko si Pinunong Magallon," sagot niya na nagbigay kaba sa apat. "At may naisip akong paraan para madali nating makilala ang isa't isa kung sakaling gayahin niya ang isa sa atin."

"Ano 'yon?" pag-usisa ni Fudge.

At mula sa papel ay gumuhit siya ng isang simbolo ng film black glyph na ipinagtaka lamang ng apat. "Itong simbolo na ito ay sumisimbolo sa atin bilang isang documentarist. At nais kong magpagawa tayo ng bracelet na ito ang design, pero dahil mabilis mapansin ang bracelet sa kamay ay sa paa natin 'to isusuot."

Napatango silang apat sa plano ni Kitch at anong pagsang-ayon din ang kanilang naging desisyon. "Maganda iyang naisip mo, Kitch, pero kailangan na rin nating paghandaan ang ilang gagamiting gamit para sa shooting," wika ni Fudge.

"Oo nga 'no, sige sa susunod na araw pagkatapos mailibing si Loise ay sisimulan na natin ang shooting," ang sabi ni Kitch na ikinatango nila.

"Kung ganoon ay i-fu-full charge ko na ang camera!" sabi ni Siobe.

"Kami naman ang bahala sa props ni Devee," wika naman ni Daizy.

"Oo at ihahanda ko na rin ang tri pod," ani Devee.

"At ako naman ang magiging camera man n'yo," sabi naman ni Fudge.

"Good. Ako na ang bahalang magsulat ng script," dagdag pa ni Kitch.

"Pero kailangan na muna nating maglaba pag-uwi dahil sa rami nang naipon nating labahan," pilyang sabi ni Siobe na ikinahagikhik nila.

"Tama ka riyan, Siobe! So, anong plano sa bracelet? Magkano kaya ang magiging ambagan natin?" tanong ni Fudge na sandaling ikinatigil nila.

"Magka-canvass muna ako at baka p'wede tayong maka-discount as a student. Basta kailangan lang muna nating magdoble-ingat sa ngayon," ang sabi ni Kitch na ikinatango nilang apat.

Kaniya-kaniya na nga sila ng daan pauwi matapos ang pag-uusap na iyon. At sa paglalakad ni Kitch ay naramdaman niyang tila may sumusunod sa kaniya. Nang mapasulyap siya bandang kanan ay parang may nahagip ang kaniyang mata na mabilis na nakapagtago sa kung saan. Kaya naman mas binilisan niya ang paglalakad at walang lingon-lingon sa nakasasalubong hanggang sa-- matigilan siya sa isang pares ng paa na nakaharang sa lalakaran niya. Doo'y bumilis sa pagtibok ang kaniyang puso dulot ng matinding kaba. Sa pakiwari niya ay hindi normal na tao ang nasa kaniyang harapan. Unti-unti siyang tumingala rito. At sa kaniyang pagsulyap ay natigilan siya nang makita ang isang nilalang na minsan nang naging masama sa paningin niya.

"Wakan?" Tinitigan niya ang suot nito at nakasuot na ito ng damit ng isang normal na tao. At may suot din itong tsinelas bilang pangproteksyon sa paa. "Anong ginagawa mo rito?" Pero imbes na sagutin siya nito ay mabilis siyang dinala nito sa kung saan. Sa isang parke ng mga nakaparadang sasakyan niya ako dinala. "Wakan? Anong gagawin mo sa akin? Akala ko ba ay malinaw na ang pag-uusap natin na pabor ka sa kagustuhan namin?"

"K-kitch, makinig ka," panimula nito na ikinatigil niya. "May masama akong ibabalita sa'yo at masyado itong pribado kaya kita idinala rito," dugtong pa nito.

"A-ano 'yon? May gusto rin sana akong itanong sa'yo, e."

"Makinig ka na muna, nandito na sa bayan n'yo ang pinuno kasama sila Zytus at ilang Obalagi." Nagtatanong ang kaniyang mga mata nang marinig iyon dahil may pag-aalala siyang nararamdaman sa binata.

"E, ikaw at nasaan pala si Lauro? Saan kayo tumutuloy ngayon?"

At parang nahiya ito sa isinagot,"Kung saan-saan kami natutulog." Sandaling napakunot ang noo ni Kitch at bago pa man siya makapagdesisyong tulungan ito na makahanap ng maayos na tirahan ay muli itong nagsalita, "Pero 'wag mo kaming alalahanin, Kitch. Kayo at ang mga tao sa bayan na ito ang inaalala ko. Delikado, dahil nagsisimula nang maghasik ng kasamaan ang Pinunong Magallon at ang nakatatakot pa ay nagagawa nitong magbalat kayo kung gugustuhin niya para lang maisagawa ang isang karumal-dumal na krimen." Doon nanlaki ang mga mata ni Kitch.

"So, tama nga ang hinala namin nila Fudge, na siya ang nasa likod ng pagpatay sa dean namin na si Mrs. Soledad."

"Kaya nga dapat ay mas maging alerto kayo." At hindi pa man nakaka-move on si Kitch sa nalaman ay may sinabi pa si Wakan na ipinagalala ng kalooban niya. "At ang tungkol kay Lola Esma."

"May napanood nga ako sa balita, totoo bang patay na siya?" At unti-unting pumatak ang kaniyang luha sa pagtango ni Wakan. "A-ano ang dahilan ng ikinamatay niya?" Parang ayaw niyang banggitin ang mga katagang iyon pero kailangan niyang malaman ang totoo.

"Pinatay siya ng pinuno matapos nitong malaman na tinulungan niya kami ni Lauro ng gabing dapat ay papatayin kami."

"Sinasabi ko na nga ba at hindi tumutupad sa pinag-usapan iyang si Pinunong Magallon! Napakasama niya!" nagngingitngit sa galit na tugon niya.

Kaya sa puntong iyon ay hindi inaasahang magtatagpo ang mga mata nila nang hulihin ni Wakan ang tingin niya at sinabi ang mga katagang, "'Wag kang mag-alala at kakampi n'yo kami sa laban na ito Kitch. Ang grupo niyo ang nagpamulat sa amin ng kamalian ng isang Obalagi. Kaya bilang pasasalamat ay handa kaming tumulong ni Lauro."

Matapos marinig 'yon ay agad na naisip ni Kitch ang bluetooth headset device ni Fudge. At naniniwala siyang malaki ang maitutulong no'n sa misyon nila. "Kung ganoon ay kailangan ko ng kooperasyon n'yo ni Lauro." Napatango si Wakan sa sinabi niya at mabilis itong naglaho sa harapan niya.

Nang magpatuloy siya sa paglalakad ay maraming pumapasok na senaryo sa kaniyang isipan. Dahil simula nang makaalis ang grupo nila sa bayan ng Mumayta ay inakala niyang matatapos na ang trahedyang pu-p'wede nilang sapitin at akala niya ay ang documentary project na lang nila ang kanilang tatapusin pero nagkamali siya, dahil simula pa lang pala ang misyon na dapat nilang harapin. Dahil may mas mabigat na misyon pa silang kailangang tapusin, ang tuluyang putulin ang sungay ng pinuno at pigilan ang nakasanayang tradisyon nito.

Sa sumunod na araw ay tuluyan nang idinala sa huling hantungan ang katawan ni Loise. Maraming luha ang pumatak sa libing niya lalo na si Fudge na malapit nitong kaibigan. Kaya naman hindi maiwasang mag-reminisce ni Fudge sa alaala nitong kasama si Loise. "Kahit naman matigas ang ulo ni Loise ay alam kong naging mabuti siyang kaibigan sa akin. Tinanggap niya akong maging kaibigan kahit na pusong lalaki ako at hindi niya ako hinusgahan. Mapagbigay din si Loise at mabilis siyang maawa sa mga taong nangangailangan." Naramdaman ni Fudge ang pag-akbay sa kaniya ni Kitch na isa rin nitong malapit na kaibigan.

"Tama ka, hindi man siya naging mabait sa amin, pero alam ko sa kaniyang huling hininga ay wala siyang hinangad kundi ang maging matagumpay ang dokumentaryo natin." Lalong naluha si Fudge nang mag-umpisa nang ibaba sa lupa ang kabaong ni Loise. Ganoon din ang magulang ni Loise na sina Ginoong Francis at Ginang Luisa.

At sabay-sabay nilang pinalipad ang puting lobo na simbolo ng kapayapaan. At doo'y lihim na kinausap ni Kitch si Kitch sa kaniyang sarili, "Loise, sana ay maging payapa na ang kaluluwa mo at sana kahit wala ka na ay tulungan mo kaming mabigyan ng parusa ang kasamaan ng mga Obalagi. Hanggang sa muli, Loise."

-

Pagkaraan lang din ng ilang araw ay dumating na ang huling araw para sa burol ng kanilang dean na si Mrs. Soledad. At dahil hindi pa tapos ang kaso ay muli nilang nakausap ang mga pulis para sa imbestigasyon.

"Ikinalulungkot naming sabihin pero wala kaming nakitang finger print sa katawan ni Mrs. Soledad. We tried so many times after the crime pero wala talaga."

"Sigurado po ba kayo? Imposible naman na walang lumalabas na suspek ay kitang-kita naman natin na r**e ang main reason ng krimen. At isa pa ay may sugat na nakita sa kaniyang ari, 'di ba? So lumalabas na hindi ginusto ni Mrs. Soledad ang nangyari!" matapang na pangangatwiran ni Kitch.

"Naiintindihan ka namin, hija. Kahit naman kami ay nagtataka sa lumabas na result sa autopsy. Sinusubukan naming tingnan ang ibang anggulo. At iniimbestigahan pa namin ang CCTV ng school. 'Wag kayong mag-alala, hija, dahil hangga't wala pang malinaw na kasagutan sa kasong ito ay hindi ito matatapos. Mananagot pa rin sa batas ang taong gumawa nito."

"Salamat. Pero gusto ko lang ipaalala na hindi normal na tao ang gumawa nito, mamang pulis. At sigurado akong ginamitan niya ng kapangyarihan ang krimeng kaniyang ginawa para malinis at hindi siya mabuking." Matapos na sabihin iyon ni Kitch ay nag-alisan na ang mga pulis. At saka naman lumapit sa kaniya sina Fudge at Siobe.

"Ano raw ang balita sa kaso?" bungad kaagad sa kaniya ni Fudge.

"Wala raw lumalabas na finger print. Napakamautak naman ni Pinunong Magallon!" inis na sabi niya. At doo'y hindi maiwasang mapaisip ng dalawa. "Pero may isa pang tinitingnang anggulo ang mga pulis," dugtong pa niya na nagbigay ng kaunting pag-asa sa dalawa.

"Ano 'yon?"

"Maaaring masagot ng CCTV ang ating mga akusasyon sa mga Obalagi. At kung matalino ang kanilang pagpatay kay Mrs. Soledad, ano kaya ang motibo kung bakit nadamay ang ating dean?" tanong ni Kitch sa kawalan.

"Iyon nga rin ang iniisip ko, e," wika ni Fudge.

"Hindi kaya, sinubukang kumbinsihin ng mga Obalagi si Mrs. Soledad na 'wag payagang ipalabas ang ating dokumentaryo? Hindi ba't iyon lang naman ang main reason kung bakit nagalit sa atin ang Pinunong Magallon?" Sandaling natigilan ang dalawa at unti-unting sumang-ayon sa sinabi niya.

"Baka nga, pero dahil may kakayahang manggaya ng itsura at pustura ng tao ang mga Obalagi ay sino kaya ang ginaya nila para mabilis na makapasok sa dean's office?" tanong ni Fudge.

"Kaya nga kailangan nating mapanuod ang video sa CCTV noong Abril 5," sagot ni Kitch na ikinatango nila. Ilang sandali pa ay hinanap ni Kitch ang dalawang sina Devee at Daizy. "Nasaan pala sina Devee at Daizy?"

"Hinahanda ang mga props," sagot ni Siobe.

"Kung ganoon ay p'wede na pala tayong magsimula bukas dahil nalalapit na rin deadline," sabi ni Kitch.

"Pero tuloy pa kaya ang event gayong kakamatay lang ni dean?" tanong ni Fudge na sandaling nagpa-isip sa kanila.

"Naisip ko nga rin 'yan, e," pagsang-ayon ni Siobe.

"Pero mas maganda nang maging handa tayo," katwiran naman ni Kitch.

"Sabagay," napapatangong wika ni Fudge. At ilang sandali pa ay muli itong nagsalita, "Pero nakahanda na ba ang script?"

"Oo, Fudge. Katatapos ko lang isulat kagabi. Ewan ko ba, sa kabila ng mga nangyayari ay mas lalo akong na-e-excite na matapos natin ang dokumentaryo. Marahil siguro ay magiging guide iyon ng mga makakapanuod at para maging alerto sila sa mga pangyayari."

"Tama ka, Kitch, sa totoo lang ay kakaibang dokumentaryo ang isinasagawa natin at pundasyon natin ang pawis at dugo para lang matapos 'yon," wika ni Fudge.

At nang sandaling iyon ay wala silang ibang hinangad kundi ang maging maayos na ang lahat.

Previous Next
You can use your left and right arrow keys to move to last or next episode.
Leave a comment Comment

Waiting for the first comment……

Please to leave a comment.

Leave a comment
0/300
  • Add
  • Table of contents
  • Display options
  • Previous
  • Next

Navigate with selected cookies

Dear Reader, we use the permissions associated with cookies to keep our website running smoothly and to provide you with personalized content that better meets your needs and ensure the best reading experience. At any time, you can change your permissions for the cookie settings below.

If you would like to learn more about our Cookie, you can click on Privacy Policy.