Minahal lang kita
Reads
Ang SAINT PAUL Academy ang eskwelahan kung saan unang naramdaman ni Shine ang pagtibok ng kanyang puso. Sa unang kita pa lang niya kay Gavin, agad niya itong minahal. Pero dahil bata pa sila noon, inisip na lang ni Shine na baka paghanga lang ito at lilipas din sa paglipas ng panahon. Ngunit, makalipas ang apat na taon ng lihim na pagtingin, nabunyag din kay Gavin ang nararamdaman ni Shine.
Pebrero na at malapit na ang JS prom. Masaya ang lahat ng 3rd at 4th year... maliban kay Shine.
"oh Shine, malapit na ang JS! Sasali ka ba?” tanong ni Miel.
“Hindi ko pa alam, Miel. Alam mo namang wala kaming pera, baka hindi din ako payagan ni lolo at lola,” malungkot na sagot ni Shine.
“Ah, sayang naman. Last year na ni Gavin dito, gagraduate na siya. Hindi mo pa rin nasasabi. Kung ako sa’yo, dahil ayaw mo namang ipaalam sa kanya at parang may nililigawan na siya, kalimutan mo na lang siya,” sagot ni Miel, hindi mo alam kung nang-aasar o naaawa.
“Naku, Miel, hayaan mo na. Huwag mong sasabihin sa kanya kahit anong mangyari. Ayoko namang magustuhan niya ako dahil alam niyang may gusto ako sa kanya. Kung sila na, congrats na lang,” ani Shine sa malungkot na tinig. Si Miel naman, nagkibit-balikat na lang sabay talikod.
“Tignan mo nga ‘tong lintik na ‘to, ang bastos. Tinatalikuran na lang ako at iniiwan dito,” bulong ni Shine sa sarili.
Kinahapunan, nagkita si Miel at Gavin sa labas ng campus.
“O, pare, musta? Pauwi ka na ba? Pwede bang sumabay sa’yo?” masayang bati ni Miel sabay akbay kay Gavin. Tumango lang si Gavin bilang sagot.
“Pre, may partner ka na ba sa JS? Huling taon mo na, gagraduate ka na, congrats!” tuwang-tuwang sabi ni Miel.
“Oo nga eh, ilang buwan na lang, graduate na. Sa JS naman, kailangan daw sumali lahat ng 4th year kasi libre na at last year ko na kasi hindi ako sumali noon,” sagot ni Gavin, sabay kamot sa ulo.
“Oo nga, sagot daw naming mga 3rd year ngayon ang prom. Pero teka, pre, di mo pa sinasagot ang tanong ko. Sino partner mo sa JS?” kulit ni Miel.
“Ah, yun ba? Wala pa nga eh,” sagot ni Gavin.
“O, akala ko ba nililigawan mo si Myles?” tanong ni Miel.
“Di ko tinuloy, pre. Alam mo na, abala lang ‘yung ganun. Napagkatuwaan lang naming magkakaibigan kasi nga nalaman namin na may gusto siya sa’kin,” pilyong sagot ni Gavin.
Nagulat si Miel, hindi makapaniwala. Kilala kasi niya si Gavin bilang seryoso, mabait at tahimik na tao, bukod pa sa pagiging pogi nito. Kaya nga nagustuhan ng kaibigan niyang si Shine si Gavin mula pa 1st year. Matalik na kaibigan ni Miel si Shine, higit pa kay Gavin, dahil kaklase niya si Shine mula elementarya pa. Huminto lang ng isang taon si Shine sa pag-aaral nung namatay sa aksidente ang mga magulang niya. Maganda at matalino si Shine, laging nangunguna sa klase nung elementarya pa lang sila. Pero nung tumuntong siya ng high school, napansin ni Miel ang malaking pagbabago—hindi na siya aktibo sa klase kahit alam niya ang sagot, parang wala siyang gana sa buhay. Ang hindi lang nagbago ay ang pagiging loyal niya at pagiging mabuting kaibigan.
Samantala, naging magkaibigan naman si Miel at Gavin dahil naging magkaklase sila noong unang taon nila sa high school. Kung tutuusin, magkakabatch sana sila pero dahil huminto si Shine ng isang taon at si Miel naman ay huminto rin dahil sa pagbubulakbol, naging magkaklase ulit sila. Kaya naging malapit ulit si Miel at Shine.
Nag-isip si Miel kung dapat bang sabihin kay Gavin ang lihim ni Shine. Gusto niyang mapasaya si Shine bago pa man umalis ang matagal na niyang gusto. Pero nag-aalangan siya dahil baka masaktan o paasahin lang ni Gavin ang kaibigan niya, lalo na’t nalaman niyang pilyo pala ito.
“Bahala na nga,” bulong ni Miel sa isip niya.
“Gavin, may sasabihin ako sa’yo pero atin-atin lang ‘to,” wika niya.
“Ano ‘yun, Miel?” tanong ni Gavin, nakakunot-noo at nakatitig kay Miel.
“Ahmm, kilala mo ba si Shine Valencia? Di ba wala ka pang partner? Wala rin namang magagalit kung sakali, pwede ba siya na lang?” pakiusap ni Miel.
“Huh? Bakit siya? Oo, kilala ko siya pero naiilang ako kasi bukod sa tahimik, parang laging seryoso. Parang hindi ko nga nakikitang ngumiti ‘yun. Baka mapahiya lang ako kung aalukin ko siya,” sagot ni Gavin sabay iling.
“Sayang, ganda pa naman sana, kaso parang masungit,” dagdag pa niya.
“Hindi ‘yun, pre! Mabait siya, kilala ko ‘yun mula elementary. Alam mo bang gusto ka na niya mula 1st year pa lang? Hanggang ngayon, ikaw pa rin ang gusto niya. Gusto ko lang siyang mapasaya bago ka umalis, alam mo na,” pangungumbinsi ni Miel.
Hindi makapaniwala si Gavin sa narinig. Kaya pala minsan, nahuhuli niyang nakatingin sa kanya si Shine. Matapos ang usapan, naghiwalay na sila ni Miel, dala-dala pa rin ni Gavin ang mga sinabi ng kaibigan at iniisip kung ano ang dapat gawin sa mga susunod na araw.
Ano kaya ang magiging desisyon niya para sa mga darating na araw? Tutuparin ba niya ang pakiusap o hahayaan na lang?
Updated at